Saan napupunta ang balik-handog?



Tel.: (044) 940-3122
Fax: (044) 511-1371
email: dioceseofsanjosene@gmail.com
Loading feeds...
Text Size:

Mga Aral mula sa Katutubong Sayaw

Madalas kong napapansin na parating may welcome dance ang ating mga kapatid na katutubo sa Carranglan sa tuwing bumibisita ako sa kanila. Hindi ko sigurado kung ano ang tawag sa kanilang sayaw, ang natitiyak ko lang ay makahulugan ang bawat nilang galaw.

Madali lang makisabay sa kanilang pagsasayaw. Iuunat mo lang ang iyong mga braso habang umiindak at umiikut-ikot na parang bumubuo ng mala-gulong na bilog. Ang buong sayaw na ito ay sa saliw ng kanilang gong. Kung walang gong, pwede na ang tugtog mula sa cellphone.

Ako ay nagnilay sa kanilang pagsasayaw. Naisip ko marahil ang kanilang pagsasayaw ay kaugnay ng kanilang buhay sa komunidad at buhay-espiritwal.

Noong ika-20 ng Oktubre 2013 ginunita ang Araw ng mga Katutubo sa ating diyosesis. Nagkaroon ng isang pagdiriwang sa bayan ng Carranglan. Pinamunuan ng Lubhang Kagalang-galang nating Obispo Roberto C. Mallari ang misa sa parokya ni San Nicolas de Tolentino, 7.30 ng umaga. Sumunod ang salu-salo at isang simpleng palatuntunan para sa mga katutubo.

Tulad ng inaasahan, nagpakitang-gilas muli ang ating mga kapatid sa kanilang nakagawiang pagsasayaw. Inanyayahan din ang mga bisita na umindak at ito naman ay kanilang pinaunlakan. Nakiisa rin ang ating mahal na obispo sa pagsasayaw.

At muli, napansin ko ang kanilang istilo sa pagsasayaw—nakaunat ang kamay at walang kapaguran sa pag-ikot. Habang pinanonood ko sila, napansin ko na ang bawat nilang paggalaw ay nakaugnay sa pang-araw-araw nilang gawi. Mula sa pagtatanim, pag-aalaga ng tanim, hanggang sa pag-aani ay sinasaliwan nila ito ng pagsasayaw: nakaunat ang mga kamay at umiikot-ikot. Ang lahat ay nakaugnay sa komunidad at panalangin.

Naalala ko ang ilang mga kataga sa Bibliya na kapag mananalangin ay dapat nakataas ang kamay. Naalala ko rin si haring David kung paano manalangin habang sya ay nagsasayaw.

Marahil ay ganoon din ang ating mga kapatid na katutubo na sa lahat ng ginagawa nila ay isinasabay nila ang panalangin. Ang pag-ikut-ikot nila marahil ay sumasalamin sa isang magandang ugnayan nila sa kanilang komunidad—para bagang ipinahihiwatig na hindi napuputol ang kanilang ugnayan sa isa’t isa habang sila ay nananalangin sa Diyos.

Ang buhay panalangin pala at ang ating pang- araw-araw na buhay ay maaaring pagsabayin. Ito marahil ay isang gintong aral na maaari nating mahugot sa ating mga kapatid na katutubo. At sana ay tulungan natin silang maipasa at maipamana ito sa mga darating pa nilang henerasyon.

Hindi natin kailangang sumayaw ng kagaya nila. Ang mahalagang bagay na ipinararating ng kwentong ito ay marapat lamang na lagi nating hinihingi ang gabay ng Diyos sa lahat ng ating ginagawa.

Sa kapayakan ng kanilang buhay ay malinaw nilang naipapakita ang paggabay sa kanila ng Diyos. Sa atin din, kung minsan kailangan nating mapagmasdan ang mga simpleng okasyon sa ating buhay upang mapansin natin ang kalaliman ng paggabay ng Diyos sa atin. Tulad ng mga Igorot, ang sayaw para sa kanila ay pagdiriwang, pasusumamo, pasasalamat, at pagdarasal. Ito ay bahagi ng kanilang buhay, araw-araw na buhay, araw-araw na dasal.

Bilang isang pari, madalas umaakyat ako sa bundok upang turuan ang ating mga kapatid sa pananampalatayang Katoliko. Sa pagkakataong ito, baligtad ang nangyari sapagkat ako ang tinuruan nila. Itinuro nila sa akin na mas simple ang buhay, mas malapit sa Diyos. Isang bagay na lubos kong ipinagpapasalamat.

BLURBS

  1. Ang buhay panalangin pala at ang ating pang- araw-araw na buhay ay maaaring  pagsabayin.
  2. Tulad ng mga Igorot, ang sayaw para sa kanila ay pagdiriwang, pasusumamo, pasasalamat, at pagdarasal.

Photo Gallery

Support our Advocacies

HELP BUILD THE TAHANAN NG DAMAYANG KRISTIYANO

Account Number
1990063762
Account Name
The Roman Catholic Bishop of San Jose Nueva Ecija Inc.
BDO SAN JOSE BRANCH-MAHARLIKA HIGHWAY, SAN JOSE CITY, N.E

Focolare Movement